Tumutulong sa kapwa at isang public servant—iyan ang trabaho at hanapbuhay na iniingatan ni Erickson Tan.
Kaya naman dismayado siya sa sinapit ng kaniyang tahanan matapos itong looban habang siya ay nasa labas upang magtrabaho noong Agosto 26.
Aniya, bago siya umalis ng bahay, naglalagay siya ng monoblock chair sa harap ng main door bilang simpleng paniniguro.
Ngunit pag-uwi niya, napansin niyang wala na ang upuan.
Mas lalo siyang naghinala nang mapansin niyang wala na sa dating puwesto ang ilan sa kaniyang mga kagamitan.
Sa kabila nito ay pasalamat umano siyang walang kahit anong nanakaw sa loob ng kaniyang bahay.
Dahil dito, agad siyang lumapit sa Bonuan Police Station 6 upang ipa-blotter at humingi ng imbestigasyon sa insidente.
Patuloy naman umano ang police visibility at pagroronda sa lugar, kasabay ng isinasagawang imbestigasyon.
Nagtungo ang IFM News Dagupan sa lugar ng insidente upang alamin naman ang panig ng pamunuan ng subdivision.
Nagbigay naman ng pahayag si Marjorie Ann Gonzalo, presidente ng nasabing subdivision.
Ayon kay Gonzalo, matagal na rin umanong problema sa kanilang lugar ang mga insidente ng pagnanakaw.
Wala din umanong security guard na nakatalaga sa subdivision.
Dagdag pa ni Gonzalo, kabilang sa mga hamon na kinakaharap ng kanilang subdivision ang kakulangan sa pondo at limitadong koordinasyon sa pagitan ng mga residente.
Kaya isa sa mga nakikita nilang posibleng solusyon ang mas mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad, gayundin ang mas aktibong koordinasyon at pagbabantay ng mga residente sa loob ng subdivision.
Sa ngayon, umaasa naman ang mga ito na matutukoy ang responsable sa insidente at mas mapapalakas ang seguridad sa kanilang lugar upang hindi na maulit pa ito sa ibang residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








