
Pinadagdagan ni Senator Bam Aquino ng ₱1,000 ang social pension ng mga kwalipikadong senior citizens.
Sa Senate Bill No. 269 ni Aquino, isinusulong ng senador ang pagpapalawak ng saklaw ng Expanded Senior Citizens Act of 2010 kung saan bibigyan ng ₱1,000 buwanang social pension ang mga senior citizen na hindi tumatanggap ng social pension o tumatanggap ng pension na hindi lalampas sa ₱3,000.
Layon aniya nito na mabigyan ng regular at tiyak na mapagkukunan ng kita ang mga senior citizen na maaaring gamitin sa pang-araw-araw na gastusin, gamutan at emergency.
Sinabi ni Aquino na habang tumatanda ay mas nahihirapang makahanap ng mapagkakakitaan at maraming mga lolo at lola ang nahihirapang manatili sa trabaho bunsod ng pisikal na limitasyon, edad at kawalan ng oportunidad.
Dagdag pa ni Aquino, ang panukalang pagtaas ng pension ay paraan para kilalanin ang mga naging ambag ng senior citizens sa pag-unlad ng bansa at nararapat lang na ibalik ang kanilang mga naging sakripisyo.










