Wednesday, August 26, 2026

Senador, kinondena ang mga social media platforms sa pagpapahintulot na ma-post ang content ng school shooting incident sa Zamboanga at Tacloban City

Mariing kinondena ni Senator Erwin Tulfo ang mga malalaking social media companies tulad ng Meta ng Facebook at Instagram, YouTube, X at TikTok dahil sa pagpapahintulot na ma-post sa mga nasabing platform ang mga content ng mga insidente ng school shooting sa mga paaralan sa Zamboanga City at Tacloban City.

Idiniin ni Senator Erwin Tulfo na ang mga social media na ito ay may umiiral na community standards subalit ikinakadismaya ng senador kung bakit patuloy pa ring nakakalusot at kumakalat ang mga ganitong materyal.

Iginiit ni Tulfo na ang krimen ay hindi pang-entertainment, ang paghihirap ng biktima ay hindi content at ang mukha ng isang batang biktima o suspek ay hindi dapat maging viral material.

Ipinunto ni Tulfo na may responsibilidad at kakayahan ang mga social media companies na pigilan ang pagkalat ng graphic content lalo na sa mga usaping may kaugnayan sa mga insidenteng dumaraan pa sa proseso ng hukuman.

Dagdag ni Sen. Erwin, dapat na pag-aralan ang isang batas na magpapataw ng mabibigat na multa o parusa sa mga social media platforms na paulit-ulit na nagpapalabas ng mga larawan o video na ipinagbabawal na content lalo’t nagpapakita ito ng karahasan laban sa mga bata.

Facebook Comments