ACTIVE SHOOTER DRILL O SIMULATION, ISINAGAWA SA DALAWANG PAARALAN SA PANGASINAN

‎Isinagawa ng dalawang paaralan sa Pangasinan ang Active Shooter Drill o Simulation noong Agosto 25, 2026 bilang bahagi ng pagpapalakas ng kahandaan ng mga mag-aaral at guro sakaling magkaroon ng emergency o insidente sa loob ng paaralan.

‎Kabilang sa nagsagawa ng simulation ang Pangalangan National High School sa San Carlos City at Anonas National High School sa Urdaneta City, katuwang ang kani-kanilang lokal na pamahalaan, kapulisan at Bureau of Fire Protection (BFP).

‎Layunin ng aktibidad na paigtingin ang kaalaman at kahandaan ng mga mag-aaral at mga guro sa mga kinakailangang hakbang na dapat gawin sa oras ng emergency.

‎Sa isinagawang simulation, ipinakita ang kahalagahan ng pagiging handa at ang mga posibleng sitwasyong maaaring mangyari sa gitna ng isang insidente.

‎Itinuro rin ang RUN-ALERT-SECURE/HIDE-INFORM procedure, kung saan ginabayan ang mga mag-aaral at guro na maging mabilis sa pagkilos, maingat sa bawat hakbang at sumunod sa itinakdang mga protocol.

‎Samantala, kinansela ni Department of Education Secretary Sonny Angara ang nakatakda sanang nationwide active shooter drill noong Agosto 25 matapos ipahayag ng Philippine Psychiatric Association, Philippine Society for Child and Adolescent Psychiatry at Philippine Pediatric Society ang kanilang hindi pagsang-ayon sa pagsasagawa nito.

‎Ayon sa mga nabanggit na organisasyon, posibleng magdulot ng psychological distress o trauma sa mga mag-aaral ang naturang drill. Iminungkahi rin nila ang paggamit ng iba pang paraan upang maihanda ang mga estudyante at guro, kabilang ang table-top exercises at trauma-informed protocols. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments