BANGKAY NG LALAKI, NATAGPUANG PALUTANG-LUTANG SA ILOG SA CALASIAO

Nanatiling misteryo ang pagkakapadpad ng bangkay ng isang lalaki natagpuag palutang-lutang sa Marusay River sa Calasiao.

Batay sa impormasyon mula sa Calasiao Municipal Police Station sa panayam ng IFM News Dagupan, dakong alas-8 ng umaga nang mapansin ng isang babae ang katawan ng biktima habang nagwawalis sa lugar.

Kalaunan, kinilala ang biktima bilang 33-anyos na lalaki at nagtatatrabaho bilang construction worker.

Rumesponde naman ang mga pulis kasama ang Municipal Health Office upang suriin ang bangkay.

Sa paunang eksaminasyon, wala umanong nakitang anumang bakas ng sugat o pananakit sa katawan ng biktima.

Batay sa ulat, huli umanong nakita ang lalaki ng kanyang asawa na sakay ng traysikel patungong Dagupan City dakong ala-1 ng hapon noong Mayo 27 at mula noon ay hindi na ito nakauwi.

Samantala, nanawagan naman ng hustisya ang pamilya ng biktima na agarang malaman kung ano ang nangyari sa kanilang anak.

Kaugnay nito, binigyang-diin ng barangay na bihira umano ang mga kaso ng insidente sa ilog at ngayon lamang nagkaroon ng kasong may natagpuang bangkay sa ilalim ng tulay.

Sa ngayon, iniimbestigahan pa ang sanhi bakit ito palutang-lutang sa ilog.

Sa kabila nito, nagsasagawa na ng malawakang backtracking ang kapulisan para matukoy ang sanhi ng kaniyang pagkamatay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments