GATAW SA MGA PALAISDAAN, SULIRANING KINAHAHARAP NG MGA MANGINGISDATUWING TAG-INIT 

Isa sa mga pangunahing suliraning kinahaharap ng mga mangingisda sa Barangay Calmay, Dagupan City ang tinatawag na “gataw” o “tangok” sa mga palaisdaan tuwing panahon ng tag-init.

Ayon sa mga mangingisda, madalas maranasan ang kakulangan ng oxygen sa tubig na nagiging dahilan upang manghina o mamatay ang mga isdang inaalagaan sa palaisdaan, lalo na kapag matindi ang init ng panahon.

Karaniwan umanong nararanasan ang naturang problema mula Abril hanggang Mayo, kung kailan mataas ang temperatura at mas mabilis maapektuhan ang kondisyon ng tubig sa mga palaisdaan.

Dahil dito, umaapela ang mga mangingisda para sa mga kagamitang makatutulong sa kanilang hanapbuhay, kabilang ang water pumps na makatutulong sa pagpapanatili ng sapat na oxygen sa tubig upang maiwasan ang pagkamatay ng mga alagang isda.

Inilahad din ng mga mangingisda ang kanilang mga hinaing at panawagan sa isinagawang selebrasyon ng Araw ng mga Mangingisda kasama ang grupong Pangisda at Kaisa Ka, kung saan binigyang-diin din ang kahalagahan ng sektor ng pangingisda at pangangalaga sa likas na yaman, kabilang ang mga kailugan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments