BARIL, BALA AT DROGA, NAKUMPISKA SA TAHANAN NG DI LISTED; SUSPEK, TINUTUGIS

22
Cauayan City, Isabela- Kasalukuyang pinaghahanap ng mga otoridad ang tumakas na suspek na kabilang sa Directorate for Intelligence (*DI*) *list* ng PNP matapos masamsaman ng iligal na baril, mga bala at droga sa ikinasang search warrant sa Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela.

Pasado alas 11:00 kagabi nang isilbi ang search warrant sa tahanan ng suspek na kinilalang si Ronald Villamor, 43 taong gulang, may-asawa, negosyante at residente rin ng nabanggit na barangay.

Wala sa tahanan ang suspek nang isagawa ang paghahalughog dahil posible umanong nakatunog ang suspek sa gagawing operasyon ng mga operatiba.

Habang inimplimenta ang search warrant ay narekober sa loob ng tahanan ng suspek ang Caliber 38 revolver; apat (4) na mga bala ng Caliber 38; isang pirasong lighter at tatlong (3) heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Ang operasyon ay pinamunuan ni PMaj Grandeur Tangonan, Deputy Chief of Police sa superbisyon ni PLt Col Sherwin Cuntapay, Chief of Police ng PNP Cauayan katuwang ang RIU2, PIU, RSGC 2, 2nd IPMFC, Isabela CECU at PDEA Region2.

Facebook Comments