IRIGASYON SABONUAN GUESET NA NATABUNAN NG BUHANGIN AT BASURA DULOT NG BAGYONG INDAY,NALINIS NA

‎Bunga ng pagtutulungan ng mga residente ng Bonuan Gueset, Dagupan City, natanggal na ang mga buhangin at basura sa irigasyon na ito upang pagdaluyan ng tubig bahang idinulot ni Bagyong Inday.

‎Ayon sa Facebook post na ibinahagi ng residenteng si Marlon Solomon Amuten, bayanihan ang mga residente sa paglilinis ng irigasyong natabunan ng buhangin at basura.

‎Matapos nito ay nahukay rin ang tinatayang nasa 10 hanggang 20 talampakan umanong lalim ng buhangin at mga naipong basura upang maibalik ang maayos na daloy ng tubig.

‎Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Mila Veloso, isang residenteng nakatira malapit sa nasabing irigasyon, sinabi nitong nahirapan silang linisin ang lugar dahil sa dami ng naipong buhangin at basura. Dahil dito, kinailangan pang gumamit ng backhoe upang maisagawa ang paglilinis.


‎Nang bumisita ang IFM News Dagupan sa lugar, malinis na ang irigasyon at wala nang nakatambak na basura. Napag-alaman din na muli nang nakakonekta ang irigasyon sa dagat, na inaasahang makatutulong sa maayos na pagdaloy ng tubig sa lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments