
Nagawang maitaboy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang barko ng Chinese Maritime Militia at 24 na bangka nito.
Sa impormasyon mula kay PCG Spokesman for West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, na-monitor ang Chinese Maritime Militia Vessel 9622 na nasa layong 1.2 nautical miles lamang sa hilagang kanluran ng Kota Island.
Naglabas ito ng 24 na sampan o maliliit na bangka sakay ang tig-dalawang indibidwal na naobserbahang nangingisda sa katubigang sakop ng isla.
Agad rumesponde ang limang tauhan ng PCG sa Kota Island para paalisin ang mga Chinese Nationals.
Bagama’t una nang nagpatay malisya ang mga sakay ng barko, mabilis din nilisan ng mga ito ang lugar nang lumapit ang tropa ng Pilipinas sakay ng rubber boat.
Giit ni Tarriela, ang Kota Island ay bahagi ng bayan ng Kalayaan na sakop ng Palawan.
Ang pangingisda at iba pang aktibidad sa sakop nitong dagat na walang permiso ng mga awtoridad ng Pilipinas ay paglabag sa batas ng bansa at UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the Sea.










