
Plano ng House prosecution panel na hilingin sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang umano’y pag-deliver kay Vice President Sara Duterte ng mga maleta na may kabuuang halaga na ₱2 billion.
Pahayag ito ni House Prosecution panel Adviser and Spokesperson Ace Barbers, makaraang ibunyag ng dating head of security ni former Speaker Lord Allan Velasco na si Police Corporal Rodulfo Gracioso Jr., na mahigit 20 beses siyang nag-deliver ng mga maletang naglalaman ng salapi kay VP Sara.
Binanggit ni Gracioso na naghatid din siya ng pera kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at anak na si Davao City Representative Paolo Duterte.
Paliwanag ni Barbers, hindi dapat isantabi ang nabanggit na alegasyon at malapit itong imbestigahang mabuti ng Ombudsman para magkaroon din ng pagkakataon si VP Sara at iba pang inaakusahan na linisin ang kanilang pangalan.
Kasabay nito ay binigyang-diin din ni Barbers na walang kaugnayan ang House Prosecution kay Gracioso o sa paglutang nito dahil kung alam na nila ito ay naisama na sana nila ang alegasyon sa articles of impeachment laban kay VP Duterte.










