
Para masiguro na patas at nasa tama ang bentahan ng mga produkto at iba pa sa Maynila, nagkasa ng operasyon ang lokal na pamahalaan sa ilan establisyimento at palengke sa lungsod.
Aabot sa 212 na depektibong timbangan ang nakumpiska sa nasabing operasyon sa pangunguna ng Market Administration Office.
Nabatid na pinaigting ng Weights and Measures Team ang inspeksyon sa iba’t ibang establisyimento, kabilang ang mga pawnshop, junkshop, grocery, laundry shop, at iba pang gumagamit ng timbangan.
Ang mga timbangan na nakumpiska ay nakitang nagbibigay ng kulang o sobrang timbang kung saan malinaw itong paglabag sa Consumer Act of the Philipines o RA 7394.
Kaugnay nito, ipinag-utos ng Manila LGU sa Market Administration Office na tutukan at tiyaking tama at maayos ang mga kagamitang ginagamit sa pagtitinda at pagsukat sa mga pamilihan at establisimyento.
Ito’y para sa kapakanan na rin ng mga mamimili at mga nagnenegosyo sa lungsod ng Maynila.










