Muling kinilala ang Bayan ng Tayug matapos itong tanghaling National Awardee sa 2025 Anti-Drug Abuse Council (ADAC) Performance Awards bilang pagkilala sa mahusay at epektibong pagpapatupad nito ng mga programa laban sa ilegal na droga.
Isa ang Tayug sa apat na local government units sa lalawigan ng Pangasinan na tumanggap ng naturang pagkilala, kasama ang San Fabian, Anda, at Alaminos City. Kabilang din ito sa 16 na awardees sa buong Region 1.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang parangal ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng pamunuan ng bayan katuwang ang Local Anti-Drug Abuse Council (ADAC), Philippine National Police, at iba pang ahensya at stakeholders sa pagpapatupad ng mga programang naglalayong mapanatiling ligtas, matatag, at malaya sa ilegal na droga ang komunidad.
Ipinahayag din ng pamahalaang bayan na ang pagkilalang ito ay magsisilbing inspirasyon upang higit pang paigtingin ang mahusay na pamamahala at pagpapatupad ng mga programa laban sa ilegal na droga para sa kapakanan ng mamamayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










