Mas pinaigting ng mga kinauukulan ang proseso ng pagpili ng mga bagong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) matapos sumailalim sa validation at registration ang mahigit 300 potensiyal na benepisyaryo sa bayan ng Asingan.
Ayon kay Beneficiary Data Officer Marvin Chen, layunin ng isinagawang aktibidad na tiyaking ang mga tunay na kwalipikadong pamilya ang mapapasama sa listahan ng mga tatanggap ng benepisyo mula sa programa.
Aniya, ang mga potensiyal na benepisyaryo ay kabilang sa Set 14 at ang kanilang mga pangalan ay nagmula sa datos ng Community-Based Monitoring System (CBMS) na isinagawa ng Philippine Statistics Authority.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Chen na hindi garantiya ang pagkakasama sa naturang listahan upang agad na maging benepisyaryo ng 4Ps. Aniya, kinakailangan pa ring sumailalim ang bawat aplikante sa masusing pagsusuri at beripikasyon upang matukoy kung sila ay kwalipikado sa programa.
Kapag nakapasa sa validation at naaprubahan ng mga awtoridad, saka pa lamang sila opisyal na maitatala bilang mga bagong benepisyaryo ng 4Ps.
Nilinaw rin ni Chen na ang Set 14 ay tumutukoy lamang sa kasalukuyang batch ng mga potensiyal na benepisyaryo at hindi sa bilang ng mga tiyak na makatatanggap ng ayuda.
Dagdag pa niya, walang nakatalagang quota para sa bawat distrito dahil nakabatay ang pagpili sa regional allocation at sa resulta ng isinagawang validation.
Sa pamamagitan ng prosesong ito, inaasahang masisiguro na ang tulong ng pamahalaan ay mapupunta sa mga pamilyang higit na nangangailangan ng suporta. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










