Pinangunahan ni Gobernador Mario Eduardo Ortega ang groundbreaking ceremony kasama ang mga opisyal ng lalawigan, mga kinatawan ng DA-PRDP, mga lokal na opisyal, at mga magsasakang benepisyaryo ng proyekto.
Ang imprastraktura, na pinondohan sa ilalim ng Philippine Rural Development Project, ay binubuo ng 350-square-meter na bodega at 572.37-square-meter na solar dryer facility.
Inaasahang direktang makikinabang dito ang 938 magsasaka mula sa 22 samahan ng mga magsasaka sa buong lalawigan.
Madalas umanong nakararanas ng pagkalugi ang mga magsasaka dahil sa kakulangan ng maayos na pasilidad para sa pagpapatuyo at pag-iimbak ng ani kaya naman magsisilbing tugon ang proyekto sa kanilang matagal nang suliranin.
Kapag natapos ang pasilidad, magkakaroon ng sentralisadong lugar para sa wastong pagpapatuyo at pag-iimbak ng palay, mais, mani, at munggo bago ito dalhin sa merkado.
Inaasahan ding tataas ang halaga ng mga produktong agrikultural dahil sa mas maayos na pagproseso at paghawak ng mga ani.
Inaasahan ding magbibigay ang proyekto ng malaking ambag sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa La Union sa pamamagitan ng pagpapalakas ng agribusiness, pagpapahusay ng food supply chain, at pagtaas ng kakayahang makipagsabayan ng mga lokal na produkto sa merkado. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










