Nagsagawa ng bag inspection gamit ang metal detectors ang School Disaster Risk Reduction Management Office at Office of the Principal ng San Nicolas National High School bilang bahagi ng pagpapatupad ng DepEd Order No. 6, 2026 at upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani ng paaralan.
Isinagawa ang inspeksyon sa presensya ng mga tauhan mula sa San Nicolas Police Station upang matiyak ang transparency at seguridad sa proseso.
Ayon sa pamunuan ng paaralan, layunin ng naturang hakbang na mapanatili ang isang ligtas at maayos na kapaligiran sa loob ng campus at maiwasan ang pagpasok ng anumang ipinagbabawal o posibleng makasamang bagay.
Nagpaalala rin ang paaralan sa mga mag-aaral na asahan ang mas mahabang pila sa pagpasok at hinihikayat silang dumating nang mas maaga upang maiwasan ang pagkaantala. Ipinaalala rin na ang mga inspeksyon ay mabilis at hindi invasive, ngunit mahalaga upang maprotektahan ang lahat sa loob ng paaralan.
Nagpasalamat naman ang paaralan sa kooperasyon ng mga mag-aaral at magulang sa patuloy na pagsuporta sa mga hakbang para sa kaligtasan ng buong komunidad ng San Nicolas NHS. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











