
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang karagdagang P3 bilyon para sa repatriation at reintegration program ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) na naapektuhan ng kaguluhan sa Middle East.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, sasaklawin ng pondo ang buong proseso ng pag-uwi ng mga Pilipino, mula sa pre-departure assistance at pamasahe sa eroplano hanggang sa tulong para sa kanilang kabuhayan pagbalik sa bansa.
Batay sa datos ng Department of Migrant Workers (DMW), nasa 10,446 Pilipino na ang naiuwi mula sa rehiyon sa pamamagitan ng humanitarian flights.
May ilan ding flight na ginamit para sa medical evacuation ng mga Pilipinong nangangailangan ng agarang atensiyong medikal.
Sinabi ni Recto na nais ng pangulo na hindi lamang maiuwi ang mga OFW kundi matiyak ding may suporta silang matatanggap pagdating sa Pilipinas, kabilang ang trabaho at iba pang oportunidad sa kabuhayan.
Sa ngayon, nakapagsagawa na ang DMW ng 15 job fairs at reintegration activities sa iba’t ibang bahagi ng bansa para tulungan ang mga umuwing OFW na makahanap ng trabaho at mapagkakakitaan.
Samantala, 664 na returning OFWs na ang nakatanggap ng tulong sa ilalim ng Balik Pinas, Balik Hanapbuhay Program ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), na nagbibigay ng hanggang P20,000 panimulang puhunan para sa maliit na negosyo.
Naglaan din ang Department of Education (DepEd) ng oportunidad para sa mga lisensyadong gurong OFW na makapasok sa pampublikong paaralan.










