Emosyonal si Delia Garcia, isang meat vendor, dahil sa tumal umano ng kanilang bentahan nitong mga nakaraang linggo.
Ayon kay Garcia, nalulugi na sila dahil sa mababang benta ng karne ng baboy.
Gayunman, tiniyak niyang dumadaan sa tamang proseso at inspeksyon ang kanilang mga produktong ibinebenta kaya makatitiyak umano ang mga mamimili sa kalinisan at kalidad ng karne.
Pangamba rin ni Garcia na kung magpapatuloy ang epekto ng ASF, maaari itong makaapekto sa suplay ng kanilang pinagkukunan ng baboy.
Aniya, posibleng lalo silang mahirapan sa pagbebenta at pagbawi ng puhunan at kita kung magpapatuloy ang sitwasyon.
Umaasa naman si Garcia na makababawi sila sa kanilang kita habang papalapit ang buwan ng Disyembre, kung kailan inaasahang tataas ang demand sa karne.
Batay sa pinakahuling situation update ng Department of Agriculture–Bureau of Animal Industry o DA-BAI noong Setyembre 24, 2026, kabilang sa mga lugar sa Pangasinan na may naitalang aktibong kaso ng ASF ang Alaminos City, Malasiqui, at Mapandan.
Ayon sa DA-BAI, ang “active cases” ay tumutukoy sa mga lugar na may nagpapatuloy na ASF outbreak o kasalukuyang sumasailalim sa surveillance, depopulation, o cleaning and disinfection.
Bunsod nito, naghigpit na rin ang ilang lokal na pamahalaan sa lalawigan, kabilang ang Mangaldan, sa pagbabantay sa pagpasok at paglabas ng mga buhay na baboy at produktong karneng baboy upang maiwasan ang pagpasok at pagkalat ng ASF. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
