Ayon kay sugarcane miller Conrado Acosta, mahalagang mapalakas pa ang kanilang produksyon at madagdagan ang mga makinaryang ginagamit sa pagproseso ng tubo upang maiwasan ang kakulangan sa suplay sakaling maapektuhan ng matinding init ang kanilang mga pananim.
Bagama’t itinuturing na drought-resistant ang tubo, sinabi ni Acosta na kailangan pa rin nito ng sapat na tubig upang maayos na lumago at mapanatili ang produksyon.
Posibleng maging hamon umano sa mga magsasaka ang matinding init, partikular kung maaapektuhan nito ang suplay ng tubig para sa patubig ng mga tubuhan.
Sa ngayon, unti-unti nang naghahanda ang mga magsasaka sa posibleng matinding init.
Bukod sa pagpapalakas ng produksyon ng tubo, ginagamit na rin ang ilang makinarya sa paggawa ng iba pang produkto mula rito upang magkaroon ng karagdagang mapagkakakitaan ang mga nasa sektor ng sugarcane farming.
Umaasa naman ang mga magsasaka na madaragdagan ang tulong at kagamitan na maaaring magamit nila upang mapanatili ang kanilang produksyon sa kabila ng banta ng matinding init. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








