Nagbabala ang Bureau of Fire Protection (BFP) Dagupan sa publiko laban sa posibilidad ng pagdami ng mga insidente ng sunog sa gitna ng epekto ng El Niño at matinding init ng panahon.
Sa panayam ng IFM Dagupan kay Fire Officer 2 Besmart S. Eslava, Chief ng Logistics Unit ng BFP Dagupan, sinabi nitong nakahanda ang kanilang tanggapan sa posibleng pagdami ng mga insidente ng sunog at iba pang emergency na nangangailangan ng agarang pagtugon.
Ayon kay Eslava, mas mataas ang panganib na mag-umpisa at mabilis na kumalat ang sunog sa panahon ng matinding init, kaya mahalagang maging mapagmatyag at mag-ingat ang publiko.
Samantala, ibinahagi rin ni Eslava na mayroon nang naitalang datos ang kanilang tanggapan hinggil sa mga insidente ng sunog sa Dagupan City ngayong buwan ng Oktubre.
Tiniyak naman ng BFP Dagupan ang kahandaan nitong rumesponde sa anumang insidente ng sunog at iba pang emergency.
Kaugnay nito, pinayuhan ang publiko na huwag iwanang walang bantay ang mga sinisiga at tiyaking tuluyan nang naapula ang apoy bago umalis sa lugar.
Paalala rin ng ahensya na bantayan ang mga nakasaksak na kagamitang de-kuryente at huwag iwanang nakasalang ang mga niluluto upang maiwasan ang mga aksidenteng maaaring magdulot ng sunog.
Binigyang-diin ng BFP Dagupan na mahalaga ang pag-iingat at pagiging responsable ng bawat isa upang mapigilan ang sunog at maprotektahan ang buhay at ari-arian. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










