Naghahanda na rin ang ilang Dagupeño sa posibleng kakulangan ng tubig dahil sa El Niño sa pamamagitan ng pagbili ng mga drum at balde na gagamitin sa pag-iimbak ng tubig.
Sa Dagupan City, napansin ng ilang manlalako ang pagdami umano ng kanilang kostumer na bumibili ng mga drum bilang paghahanda sa posibleng epekto ng matinding tagtuyot.
Ayon kay Eunica Velasco, isang saleslady sa lungsod, may mga kostumer na bumibili ng mga drum upang pag-imbakan ng tubig bilang paghahanda sa El Niño.
Naglalaro naman sa ₱185 hanggang ₱685 ang presyo ng mga drum, depende sa uri at laki nito.
Sa kabila ng pagdami ng mga bumibili, sapat pa rin umano ang supply ng mga drum sa kanilang puwesto kung sakaling dumami pa ang mga konsyumer na mamimili.
Samantala, umani ng iba’t ibang reaksyon ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hinggil sa pagbili ng mga balde bilang paghahanda sa El Niño.
Kaugnay nito, patuloy naman ang paghahanda ng mga lokal na pamahalaan upang maibsan ang posibleng epekto ng Very Strong El Niño, kabilang ang banta ng tagtuyot at kakulangan sa suplay ng tubig. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










