Namahagi ng 150 Barangay Health Station (BHS) packages ang Department of Health Region 1, o DOH-1, sa mga piling barangay sa La Union, Ilocos Sur, at Ilocos Norte.
Mula Marso 2 hanggang 10, ipinamahagi ng DOH ang 18 BHS packages sa mga barangay sa unang distrito ng La Union, 14 sa ikalawang distrito ng La Union, 48 sa ikalawang distrito ng Ilocos Sur, at 70 sa ikalawang distrito ng Ilocos Norte.
Sa Isang pahayag sinabi ni DOH-1 Director Paula Paz Sydiongco, ang mga BHS packages na nagkakahalaga ng PHP 500,000 bawat isa ay pondo mula sa 2024 Health Facility Enhancement Program, at layunin nitong patatagin ang mga serbisyong pangkalusugan sa mga health center.
Dagdag pa ni Sydiongco na mahalaga ang mga kagamitang ito upang maging ganap na handa ang mga barangay health station sa pagbibigay ng primary care services tulad ng pag-iwas, pagsusuri, paggamot, at rehabilitasyon ng mga sakit at karamdaman sa lokal na lebel, nang ligtas at epektibo.
Hinimok din ni Sydiongco ang mga lokal na pamahalaan na maglaan ng pondo para sa pagpapanatili ng mga pasilidad at nagbigay ng paalala ukol sa plano ng DOH na tuluyang i-upgrade ang mga barangay health station para sa mas malinis at mas epektibong serbisyong pangkalusugan.
Noong Pebrero, 25 BHS packages naman ang ipinamahagi sa mga rural health units ng Urdaneta City sa Pangasinan, limang set sa mga barangay ng Infanta, isang set sa bayan ng Burgos, at 140 set sa mga barangay sa ika-anim na distrito ng Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨