BLOOD SAMPLES SA ASF SURVEILLANCE SA SAN CARLOS CITY SLAUGHTERHOUSE, NAGNEGATIBO

Nagnegatibo sa African Swine Fever (ASF) ang lahat ng blood samples na nakolekta mula sa mga baboy na kinatay sa slaughterhouse sa Barangay San Pedro, San Carlos City, ayon sa National Meat Inspection Service Regional Technical Operations Center I (NMIS RTOC I).

Isinagawa ng NMIS RTOC I ang blood collection bilang bahagi ng surprise surveillance program nito na naglalayong subaybayan ang kalagayan ng kalusugan ng mga hayop sa iba’t ibang slaughterhouse at matiyak na ligtas at dekalidad ang mga karneng inilalabas sa pamilihan.

Batay sa resulta ng isinagawang laboratory examination, walang indikasyon ng African Swine Fever sa lahat ng nakuhang blood samples. Dahil dito, nagbigay ito ng dagdag na kumpiyansa na ang mga karne mula sa nasabing slaughterhouse ay ligtas para sa mga mamimili.

Ayon sa NMIS, mahalaga ang regular na surveillance at laboratory testing upang mapigilan ang pagkalat ng ASF at mapanatili ang mataas na pamantayan sa meat safety sa bansa.

Patuloy namang nagtutulungan ang City Veterinary Office at NMIS sa pagpapatupad ng mga programa at inspeksyong nagtitiyak na ang mga produktong karne na inilalabas sa merkado ay dumaraan sa mahigpit na pagsusuri at sumusunod sa itinakdang pamantayan ng kaligtasan at kalidad para sa kapakanan ng publiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments