Malapit nang magkaroon ng LGU-operated Philippine Statistics Authority Civil Registration Services Outlet sa Alaminos City.
Bilang paghahanda sa pagbubukas nito, nagsagawa ng ocular inspection ang mga kinatawan ng PSA Central Office, PSA Regional Statistical Services Office 1, PSA Provincial Statistical Office–Pangasinan, at Unisys Managed Services Corporation, katuwang ang pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng City Civil Registry Office.
Kapag naging operational, maaaring makakuha rito ng birth, marriage at death certificates, gayundin ng Certificate of No Marriage Record o CENOMAR.
Ayon kay Mayor Arth Bryan Celeste, layunin ng proyekto na gawing mas mabilis at mas madaling ma-access ang mga civil registration service para sa mga residente ng Alaminos at mga karatig na lugar.
Malaki naman ang naging positibong pagtanggap ng publiko sa anunsyo. Maraming netizens ang nagpahayag ng kanilang pasasalamat at katuwaan sa Facebook post ng alkalde, dahil malaking ginhawa umano ito lalo na sa mga residente na dati ay kinakailangang bumiyahe pa sa ibang lugar upang makakuha ng mga civil registry documents.
Inaasahang mababawasan nito ang oras at gastos sa pagbiyahe ng mga aplikanteng dati pang kailangang pumunta sa ibang lungsod upang kumuha ng mga dokumento.
Wala pang inilalabas na tiyak na petsa ng pagbubukas at detalye tungkol sa operating hours, bayarin, at proseso ng transaksiyon sa outlet. Pinapayuhan ang publiko na hintayin ang opisyal na anunsiyo ng PSA at pamahalaang lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








