
Arestado sa ikinasang Entrapment Operation ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP – ACG) ang isang 27 taong gulang na babae matapos na mangbiktima ng ilang indibidwal gamit ang online concert ticket scam sa San Lazaro, Manila City.
Ayon sa ulat ng pulisya, nagsimula ang operasyon mula sa reklamong ifinile ng 20 taong gulang na biktima matapos na madiskubre na ang concert ticket na binili nya sa nasabing suspek na nagkakahalaga ng 14,200 ay naibenta na pala sa iba.
Ayon sa biktima, nagbigay ito ng paunang bayad na P10,000 kung saan ang balanse ay napagusapan na isesettle kapag sila ay nagkita.
Ngunit, ilang araw pagkatapos ng paunang bayad ng biktima sinabi ng suspek na nagkaroon ng problema sa website ng ticketing system na nagdulot ng delay sa transaksyon.
Hindi naman agad nagsuspetsa ang biktima dahil naranasan na rin umano nya ang mga ganitong isyu.
Nalaman na lamang nito na sya ay na-scam nang siya ay kontakin ng isa pang biktima matapos sabihin na pareho sila ng ticket na ibinenta ng suspek.
Bukod dito ay may lumabas na may lima pang ibang mga biktima na nagsumite rin ng reklamo matapos na madiskubre na pare-pareho ang mga ticket details na nabili nila mula sa suspek.
Dahil dito nahaharap ang nasabing suspek sa kasong Estafa.










