HIGIT 54,000 NA INDIBIDWAL, SINITA SA PAGLABAG SA MGA LOKAL NA ORDINANSA SA REGION 1; ₱28.29-M MULTA, IPINATAW

Mahigit 54,000 indibidwal ang sinita ng Police Regional Office 1 (PRO 1) dahil sa paglabag sa iba’t ibang lokal na ordinansa sa Rehiyon ng Ilocos sa buong buwan ng Hulyo, bilang bahagi ng pinaigting na pagpapatupad ng Safer Cities Initiative.

Ayon sa PRO 1, umabot sa kabuuang 54,720 ang mga nasita sa isinagawang operasyon, na ipinatupad bilang tugon sa direktiba ni Department of the Interior and Local Government (DILG).

Pinakamarami sa mga naitalang paglabag ang may kaugnayan sa mga ordinansa sa trapiko na umabot sa 47,185. Naitala rin ang 2,411 paglabag sa pagbabawal ng pag-inom ng alak at paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, 673 paglabag sa no-shirt policy, 573 paglabag sa curfew ng mga menor de edad, 38 paglabag sa itinakdang oras ng paggamit ng videoke o karaoke, 35 paglabag na may kaugnayan sa road-clearing operations, at 3,805 iba pang paglabag sa mga lokal na ordinansa.

Sa kabuuang bilang ng mga nasita, 49,886 ang pinatawan ng kaukulang multa na umabot sa ₱28.29 milyon, habang 4,834 naman ang binigyan ng babala alinsunod sa umiiral na mga lokal na ordinansa.

Iginiit ng PRO 1 na magpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa bilang bahagi ng layunin ng pamahalaan na mapanatili ang kaayusan, disiplina, at kaligtasan sa mga pamayanan sa buong Rehiyon ng Ilocos. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments