Mahigpit na binabantayan at iniispeksyon ang mga Dam sa lalawigan ng pangasinan upang mamonitor ang Kondisyon na nito.
Naging abala ang mga awtoridad sa Pangasinan sa patuloy na pagbabantay sa mga mabababang lugar, mga dam, at mga ilog kasunod ng pag-alis ng Low Pressure Area (LPA) na dating tinawag na “Luis.”
Nagdulot ang sama ng panahon ng pagbaha sa ilang bahagi ng lalawigan, pagkaantala sa daloy ng trapiko, pagbagsak ng mga puno, at pagkasira ng ilang linya ng kuryente.
Sa pagpasok naman ng Tropical Storm “Maymay,” lalo pang pinaigting ng mga lokal na pamahalaan at disaster response agencies ang kanilang monitoring sa mga dam at river systems upang maagapan ang posibleng pagbaha.
Sa panayam ng IFM News Dagupan sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng San Fabian, sinabi na ang lebel ng tubig sa Binday Dam, batay sa monitoring alas-8:00 ng umaga noong Agosto 5, 2026, ay nasa 5.8 metro, na nananatili sa normal na mababang antas.
Samantala, ayon kay Eusebio Dela Cruz Jr., Administrative Officer IV ng MDRRMO Sta. Barbara, ang lebel ng tubig sa Sinocalan River ay nasa 5.7 metro batay sa monitoring alas-9:00 ng umaga ng parehong araw, at nananatili ring nasa normal na antas.
Dahil dito, muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na manatiling mapagmatyag, lalo na ang mga naninirahan sa mabababang lugar.
Pinapayuhan din ang lahat na maghanda ng go bag, iwasang lumusong sa baha upang makaiwas sa leptospirosis at iba pang water-borne diseases, at umiwas na mababad sa ulan upang maprotektahan ang kalusugan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










