Binaril sa harap ng Barangay Hall ang isang kagawad on-duty sa Brgy. Poblacion East, Calasiao noong maghahating -gabi ng Miyerkules, Mayo 27.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagpapahinga umano ang 31-anyos na incumbent barangay kagawad nang lapitan ng hindi pa nakikilalang suspek dakong alas-11:35 ng gabi.
Makikita sa CCTV footage na tinangkang barilin ang biktima ngunit nagmintis ang unang putok dahilan upang makatakbo pa ito.
Gayunman, hinabol umano ng suspek ang kagawad at makailang-ulit na pinaputukan.
Agad na isinugod sa ospital ang biktima matapos magtamo ng maraming tama ng bala sa katawan at ulo ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Agad namang nagsagawa ng malawakang manhunt operation ang Calasiao Police at mga karatig istasyon laban sa mga suspek na tumakas sakay ng puting motorsiklo patungong timog na direksyon ng Magsaysay Bridge.
Narekober sa crime scene ang apat na basyo at isang slug na pinaniniwalaang mula sa kalibre .45 na baril.
Ayon sa Punong Barangay, hindi na umano maayos na makausap ng maayos at tila balisa ang kagawad bago nangyari ang insidente.
Patuloy pa ang backtracking ng CCTV footage at imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at motibo sa krimen.
Samantala, tumanggi namang mag-komento ang pamilya ng biktima sa insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







