Kilala ang Dagupan City bilang isa sa mga lungsod na madalas makaranas ng pagbaha tuwing may malalakas pag-ulan.
Dahil dito, kani-kaniyang paghahanda na ang ginagawa ng mga Dagupeño upang makaiwas at maging ligtas sa posibleng epekto ng sakuna.
Sanay man ang iba sa Baha, hindi pa rin nawawala ang paghahanda ng ilang residente lalo na sa mga lugar na malapit sa ilog o dalampasigan na madalas naaapektuhan tuwing malalakas ang pag-ulan.
Ayon kay Joseph Garcia ng Barangay Salisay, mas maaga nilang inihahanda ang mahahalagang gamit tulad ng pagkain, tubig, at iba pang kagamitan upang maiwasan ang pagkasira ng mga ito sakaling tumaas ang tubig baha.
Samantala, dagdag hamon naman sa mga street vendor ang posibilidad ng pagbaha lalo na sa kanilang hanapbuhay.
Kwento ni street vendor Hitta Ferrer, bagama’t nakaranas na siya ng maraming pagbaha sa lugar, kinakailangan pa rin umano nilang makisabay sa panahon at maghanap ng paraan upang maipagpatuloy ang pagtitinda kahit sa gitna ng pag-ulan.
Sa darating na Tag-ulan, inaasahan ng mga Dagupeño na maagapan ang posibleng pagbaha sa Dagupan City para sa kanilang kaligtasan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








