Umabot sa mahigit 195,000 fingerlings at seedstocks ang naipamahagi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – Regional Fisheries Office 1 (BFAR-RFO1) sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Pangasinan bilang bahagi ng mga programang pang-aquaculture at marine resource enhancement.
Sa Alaminos City, naipamahagi ang 12,000 siganid fingerlings (rabbitfish), na isinagawa sa dalawang batch noong Mayo 10 at Mayo 13 sa mga samahan ng mangingisda.
Sa Infanta, na-turn over ang 3,150 sea cucumber juveniles noong Mayo 14. Sa kabuuan, 650 ang inilagay sa marine protected area habang 2,500 ang inilaan para sa nursery hapa net cages para sa pagpapalaki at propagation.
Sa inland at brackishwater aquaculture, umabot sa 183,000 bangus fry ang naipamahagi sa iba’t ibang asosasyon at indibidwal na benepisyaryo sa buong buwan ng Mayo.
Kabilang sa mga distribusyon ang 35,000 fry noong Mayo 7, 68,000 fry noong Mayo 13, at 80,000 fry noong Mayo 19 na inilaan sa mga benepisyaryo sa Binmaley at Lingayen.
May hiwa-hiwalay ding distribusyon sa iba pang lugar sa lalawigan sa loob ng buwan upang tugunan ang pangangailangan sa suplay ng bangus fry para sa fishpond at cage culture production.
Ayon sa tanggapan, ang tuloy-tuloy na paglalabas ng seedstocks ay bahagi ng programa upang palakasin ang produksyon sa aquaculture at mapanatili ang sapat na suplay ng isda sa mga lokal na pamilihan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








