Brgy. Tanod at Tricycle Driver, Huli sa Pagpupuslit ng Pinutol na Kahoy

Cauayan City, Isabela- Arestado ang 2 katao matapos mahuli na magpupuslit ng pinutol na kahoy bandang 10:30 kaninang umaga sa Brgy. Calamagui North, Sta. Maria, Isabela.

Kinilala ang mga suspek na sina Edison Mirasol, 35-anyos, tricycle driver at residente ng Brgy, Lingaling at Marlon Datul, 53-anyos, Brgy. Tanod at residente ng Brgy. Calamagui North sa nasabing bayan.

Ayon sa imbestigasyon ng Sta. Maria Police Station, habang nagpapatrolya ang tropa ng pulisya sa pambansang lansangan ng maaktuhan nila ang isang tricycle na may plakang QG 8021 lulan ang mga pinutol na kahoy na tinatayang nasa 128 board feet.


Lumalabas pa sa pagsisiyasat na akmang itatakas pa ng isa sa mga suspek ang mga kahoy nang makatunog ang paparating na mga nagpapatrolyang pulis.

Sasampahan ng kasong paglabag sa PD 705 o Forestry Code of the Philippines ang mga suspek na nasa kustodiya ngayon ng mga awtoridad.

Facebook Comments