
Ibigay na lang ang pera para pantulong sa mga nangangailangan.
Ito ang sinabi ni Senator Erwin Tulfo matapos na isiwalat ni Senator Imee Marcos na may alok na milyon-milyong piso para sa mga kongresista kapalit ng “Yes vote” para sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Sen. Erwin, napakarami namang pera ng taong sinasabing nag-aalok ng suhol sa mga mambabatas.
Mas matutuwa aniya siya kung ang napakaraming perang ito ay ipantutulong sa mga kababayang nangangailangan lalo’t mayroon tayong krisis sa langis.
Iginiit pa ni Tulfo na unfair naman ang ganitong paratang lalo’t wala naman siyang naririnig na ganito sa Senado at kahit ang mga kongresista ay itinatanggi rin ang alegasyon.
Dagdag pa ng senador, ang dami na ngang problema ng bansa lalo’t may flood control anomalies pa na hanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolba.










