Monday, September 28, 2026

BuCor, hinihintay na ang mga dokumento bago desisyunan ang paglaya nina Cedric Lee at Deniece Cornejo

Naghahanda na ang Bureau of Corrections o BuCor ng mga kinakailangang dokumento kaugnay ng posibleng pagpapalaya kina Cedric Lee at Deniece Cornejo.

Ito ay matapos baguhin ng Court of Appeals o CA ang kanilang sintensiya sa kasong serious illegal detention na isinampa ng aktor na si Vhong Navarro.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., hihiling ang ahensya ng kopya ng Entry of Judgment mula sa Court of Appeals, gayundin ng Certificate of No Pending Case mula sa Regional Trial Court ng Taguig bilang bahagi ng proseso sa pagberipika ng kanilang release status.

Gayunman, lumalabas sa rekord ng BuCor na may isa pa umanong kasong grave coercion sina Lee at Cornejo na may hiwalay na sintensiya at wala pang inilalabas na Entry of Judgment.

Dahil dito, isinasailalim pa sa masusing pagsusuri ang kanilang mga rekord at ang kabuuang pagkukuwenta ng kanilang sintensiya.

Batay sa datos ng BuCor, ang pinagsamang sintensiya sa dalawang kaso ay apat na taon at 21 araw bilang minimum hanggang pitong taon at 21 araw bilang maximum, na dapat pagsilbihan nang sunud-sunod.

Sa kasalukuyang komputasyon, inaasahang maaabot ni Cedric Lee ang minimum na sintensya sa Pebrero 18, 2027, habang si Deniece Cornejo naman ay sa Disyembre 23, 2026, kasunod ng kanilang naipong Good Conduct Time Allowance o GCTA at iba pang time allowances.

Binigyang-diin ni Catapang na hindi pa maaaring isagawa ang ano mang pagpapalaya hangga’t hindi natatanggap at nabeberipika ng BuCor ang lahat ng kinakailangang kautusan at dokumento mula sa mga korte, alinsunod sa umiiral na batas at mga tuntunin sa pamamahala ng sintensiya.

Facebook Comments