Thursday, July 9, 2026

Buong puwersa ng NCRPO, naka-full disaster readiness para sa epekto ng Bagyong Inday sa Metro Manila

Itinaas na rin sa full disaster readiness ang buong puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para paghandaan ang posibleng maging epekto ng Bagyong Inday sa bansa.

Inatasan na rin ng NCRPO ang lahat ng district at city police offices na paigtingin ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, Local Disaster Risk Reduction and Management Offices (LDRRMOs) at iba pang partner agencies.

Ito ay para matiyak ang maagap at maayos na pagtugon sa posibleng epekto ng bagyo dito sa Metro Manila.

Kaugnay nito, nagsasagawa ang mga police officer ng real-time assessment sa kanilang mga tauhan, sasakyan, rescue equipment at iba pang mahahalagang kagamitan para tiyaking handa ang mga ito sa mga lugar na maaaring makaranas ng malalakas na hangin, matinding pag-ulan, pagbaha, at iba pang panganib dulot ng malakas na bagyo.

Binabantayan na rin ng NCRPO ang mga flood prone areas, evacuation centers, pangunahing kalsada, transport hubs at iba pang kritikal na lugar para makapagbigay ng agarang tulong, mapanatili ang kaayusan at makatugon sa anumang emergency.

Sa ngayon, naka-standby na ang mga specialized response units ng NCRPO at ang reactionary standby support force sakaling kailanganin ng search and rescue operations, evacuation assistance, traffic management, at iba pang humanitarian missions.

Hinimok naman ng NCRPO ang publiko na manatiling alerto, mag-antabay sa mga opisyal na weather advisory, maghanda ng emergency supplies at agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad sakaling magkaroon ng emergency sa kanilang lugar.

Facebook Comments