
Iginiit ni Senator Erwin Tulfo na marapat na maisulong pa rin ang mga priority bills sa gitna ng malaking oras na ilalaan ng Senado para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Sen. Erwin, hindi dapat maging hadlang ang impeachment trial para magpasa ng mga mahahalagang panukalang batas na makakatulong sa paghihirap ng mga Pilipino tulad ng nagtataasang presyo ng pagkain, kakulangan sa serbisyong pangkalusugan at mga isyung pangseguridad.
Iginiit ni Tulfo na dapat kaya ng Senado na mag-multi-task lalo’t utang ng mga mambabatas sa publiko ang pananagot sa batas kasabay ng walang-patid na pagsisilbi.
Punto pa ng senador, hindi pwedeng pabayaan ng mga mambabatas ang kanilang pangunahing tungkulin na magpasa ng mga batas habang ginagampanan ang mga obligasyon bilang senator-judge.
Maging ang mga mahahalaga at malalaking imbestigasyon ng Senado ay dapat maipagpatuloy tulad na lamang aniya ng nakabinbing flood control investigation, pagrepaso sa Juvenile Justice Law at Anti-bullying laws, at iba pang pagsisiyasat.










