Thursday, July 9, 2026

Bilang ng boto sa eleksyon, hindi angkop na gawing depensa sa impeachment — Malacañang

Hindi dapat gawing depensa ang 32 milyong boto ni Vice President Sara Duterte sa kinakaharap nitong impeachment trial.

Ito ang iginiit ng Malacañang matapos sabihin ng kampo ng Bise Presidente na tila pinawawalang-bisa ng impeachment ang mandato na ibinigay ng mga botante.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, kung pagbabatayan ang ganitong argumento, lalabas na maaaring makaiwas sa pananagutan ang isang opisyal kahit pa gumawa ito ng impeachable offense basta’t malaki ang naging boto nito sa halalan.

Binigyang-diin ni Castro na may probisyon sa Konstitusyon tungkol sa impeachment dahil ito ang mekanismo upang mapanagot at mapatalsik sa puwesto ang sinumang mataas na opisyal ng gobyerno na umabuso sa kapangyarihan.

Giit pa ng Malacañang, ang impeachment ay tungkol sa accountability at transparency, at hindi sa dami ng botong nakuha ng isang opisyal noong eleksyon.

Facebook Comments