
Magbobotohan ang mga senator-judges sakaling ipatigil ng Korte Suprema ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ito ay kaugnay na rin sa petisyong inihain ng ilang indibidwal sa Supreme Court na nais ipatigil ang paglilitis kay VP Sara dahil sa pagkwestyon sa validity ng eleksyon ni Senator Chiz Escudero bilang presiding officer.
Sa pulong balitaan, sinabi ng tagapagsalita ng Senate Impeachment Court na si Atty. Reginald Tongol, na karapatan ng sinuman na gawin ang tingin nila ay legal remedies at hindi magkokomento tungkol rito ang impeachment court bilang paggalang sa subjudice rule.
Sinabi ni Tongol na sakaling pumabor ang Korte Suprema sa petisyon at maglabas ng temporary restraining order o status quo ante order sa impeachment trial, ito ay pagbobotohan muna ng mga senator judges.
Pero dahil wala pang TRO, magpapatuloy aniya ang impeachment trial kay VP Sara.










