CAMPAIGN POSTERS AT ADVERTISEMENTS NA NAKAKABIT SA MGA PUNO, TINANGGAL NG DENR

Cauayan City – Pinagtatanggal ng mga kawani ng Department of Environment and Natural Resources katuwang ang ibang ahensya ang mga campaign posters at advertisements na nakakabit sa mga punong-kahoy.

Ang aktibidad na ito ay sa ilalim pa rin ng “OPLAN BAKLAS” kung saan ang mga natanggal na posters at advertisements na halos nasa 800 ay ipinasakamay sa Commission on Elections at Local Government Units.

Hinihikayat ni DENR Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ang publiko na huwag hayaan na masaktan o masira ang mga punong-kahoy dahil sa pagkakabit ng mga nabanggit na gamit sa pangangampanya at iba pang advertisements.


Nagpapasalamat rin si Bambalan sa suporta at pakikiisa ng iba’t-ibang ahensya sa aktibidad na ito.

Samantala, ang hakbang na ito ay hindi lamang bilang pagpapakita ng maigting na kampanya sa pagbabawal ng pagsira sa mga punong-kahoy at mga halaman, kundi bilang pagsunod na rin sa polisiya ng COMELEC hinggil sa ilegal na pagkakabit ng mga campaign materials sa ipinagbabawal na lugar ngayong panahon ng eleksyon.

Facebook Comments