Tuesday, June 2, 2026

36 DATING REBELDE SA REGION 1, MATAGUMPAY NA NAIBALIK SA LIPUNAN SA TULONG NG PRO 1

Matagumpay na naiproseso ng Police Regional Office 1 (PRO 1) ang pagsuko at reintegrasyon ng 36 dating rebelde sa iba’t ibang bahagi ng Region 1 noong buwan ng May 2026, bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng pamahalaan ng whole-of-nation approach upang tuluyang wakasan ang lokal na armadong tunggalian.

Ayon sa PRO 1, kabilang sa mga naitalang sumuko at muling isinama sa lipunan ang 20 dating kasapi ng Communist Front Organizations (CFOs), 10 indibidwal na pormal na nagbawi ng suporta sa New People’s Army (NPA), apat na dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG), at dalawang kasapi ng Underground Mass Organization (UGMO) na kusang-loob na lumantad at tinalikuran ang kanilang mga dating ugnayan.

Ipinahayag ng PRO 1 na ang mga positibong resulta ay patunay ng patuloy na tagumpay ng mga programang pangkapayapaan ng pamahalaan at ng lumalakas na tiwala ng mga komunidad sa mga inisyatibang naglalayong wakasan ang armadong pakikibaka sa rehiyon.

Binigyang-diin ng tanggapan na sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga komunidad at pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran at pangkapayapaan, mas maraming indibidwal ang nahihikayat na talikuran ang armadong pakikibaka at piliing mamuhay nang mapayapa, produktibo, at alinsunod sa batas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments