
Inirekomenda ng Quezon City Prosecutor’s Office na payagang makapagpiyansa si Catanduanes Governor Patrick Allain Azanza matapos makita ng piskalya na may sapat na batayan upang sampahan siya ng kasong cyberlibel.
Batay sa resolusyon ni City Prosecutor Vimar Barcellano, itinakda sa P48,000 ang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Azanza kaugnay ng reklamong inihain ni Jeric O. Cua, presidente ng Powerzone Petroleum Products Corporation.
Ayon sa piskalya, kumpleto ang mga elemento ng cyberlibel sa Facebook post ni Azanza noong Hulyo 25, 2025.
Sa naturang post, kinuwestiyon ni Azanza ang mataas na singil sa kuryente sa Catanduanes at pinalabas na ang Powerzone ang direktang nagbebenta ng krudo sa independent power provider na SUWECO upang magkamal ng malaking kita.
Sinabi ng piskalya na nagpakita si Azanza ng “reckless disregard for the truth” o sadyang pagbabalewala sa katotohanan.
Personal umanong dumalo ang gobernador sa legislative hearing noong Hulyo 24, 2025, kung saan malinaw na ipinaliwanag ng kinatawan ng SUWECO na ang Unioil ang kanilang supplier at ang Powerzone ay nagsisilbi lamang bilang hauling at storage facility.
Sa kabila ng paglilinaw na ito sa opisyal na pagdinig, pinili pa rin umano ni Azanza na i-post sa social media ang kaniyang mga hinala at akusasyon ng “conflict of interest” laban sa pamilya ng mga dating opisyal na may-ari ng kompanya.
Bagama’t hindi direktang pinangalanan sa post ang presidente ng kompanya na si Jeric O. Cua, pinagtibay ng piskalya ang doktrina ng “defamation by implication” dahil sa sapat na pagkakakilanlan ng pamilya at ng korporasyong kaniyang pinamumunuan.
Dahil dito, sinabi ng piskalya na nakaranas umano ang mga ito ng pampublikong pag-atake at pagkasira ng kanilang kredibilidad.










