Thursday, June 4, 2026

Pahayag ni Sen. Marcoleta na “bayaran” umano ang ilang media, pinalagan ng PTFOMS

Pumalag ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) sa pahayag ni Senador Rodante Marcoleta na umano’y “bayaran” ang ilang miyembro ng media, partikular ang mga mamamahayag na nagko-cover sa Senado.
 
Ayon sa PTFOMS, bukod sa walang basehan ang naturang alegasyon, maaari rin itong magdulot ng banta sa seguridad at kaligtasan ng mga mamamahayag na ginagampanan lamang ang kanilang tungkulin sa ilalim ng isang demokratikong lipunan.
 
Sinabi rin ng task force na nakasisira sa kredibilidad ng media ang pahayag ni Marcoleta at maaari pa itong humantong sa panganib para sa mga mamamahayag.
 
Tungkulin, anila, ng media na maghatid ng tama, balanse, at patas na impormasyon. Mahalaga rin umanong igalang ito ng mga opisyal ng pamahalaan upang mapanatili ang pananagutan at katotohanan sa lipunan.
 
Nararapat din, ayon sa PTFOMS, na patunayan ni Marcoleta ang kaniyang mga alegasyon o bawiin ang mga ito at humingi ng paumanhin sa mga mamamahayag na kaniyang inakusahan.
 
Muli ring nanawagan ang PTFOMS na igalang ang mga mamamahayag at tiyaking nakabatay sa katotohanan ang anumang kritisismo upang mapangalagaan ang malayang pamamahayag, na isa sa mga haligi ng isang demokratikong lipunan.

Facebook Comments