
Nagkatotoo ang babala ni Senate President Alan Peter Cayetano tungkol sa umano’y planong agawin sa kanilang grupo ang mayorya at baguhin ang liderato sa Senado.
Sa Facebook livestream ni Cayetano, iginiit niyang mula pa noong unang araw ay nagbabala na sila sa planong kontrolin ang mahahalagang komite sa Senado at idiskaril ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Muling binanggit ng senador na ang mga nangyari sa huling araw ng sesyon ay hindi umano tungkol sa pagpapahusay ng operasyon ng Senado o para matigil ang legislative deadlock, kundi para mapigilan ang nakatakdang pagdinig ng Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Cayetano, sinasabi ng kabilang grupo na ginagawa nila ito dahil nabibinbin ang trabaho ng Senado, ngunit binago umano nila ang pamunuan ng mga komite upang hindi matuloy ang inaasahang pagdinig ng Blue Ribbon Committee ngayong araw.
Samantala, muling nanindigan si Cayetano na siya pa rin ang Senate President ng mataas na kapulungan sa kabila ng hindi na pagkilala sa kanya ng bagong mayorya.
Binigyang-diin niya na iligal umano ang nangyaring “kudeta” dahil nalabag aniya ang Konstitusyon at kinakailangan ng 13 boto upang makapagpalit ng liderato. Dahil dito, iginiit niyang siya pa rin ang lehitimo, legal, at moral na Senate President ng bansa.










