Saturday, September 19, 2026

‘CHICHIRYA’ NA IPINAMAHAGI SA MGA MAG-AARAL SA STA. BARBARA, HEALTHY SNACK – DOST 1

Ipinaliwanag ng Department of Science and Technology Region 1 o DOST-1 na hindi ordinaryong chichirya o junk food ang ipinamahagi sa mga mag-aaral nang bumisita si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Sta. Barbara Central School sa Pangasinan noong Setyembre 17.

Ito ay matapos kumalat online ang post na nagsasabing chichirya ang ipinamahagi ng Pangulo sa mga estudyante, na umani ng iba’t ibang komento at puna sa social media.

Ayon sa DOST-1, ang ipinamahaging produkto ay RIMO Curls o Rice-Mongo Curls, isang food technology na binuo ng DOST-Food and Nutrition Research Institute.

Ang RIMO Curls ay gawa sa kombinasyon ng rice flour at mongo flour at idinisenyo bilang masustansyang snack. Mayroon din itong mga bersyong may karagdagang nutritional fortification.

Sa pagbisita naman ni Pangulong Marcos sa Nutridense Food Manufacturing Corporation sa parehong araw, ipinaliwanag niyang maaaring magmukhang ordinaryong junk food ang mga produkto, ngunit nagtataglay ang mga ito ng sustansiyang ginagamit sa feeding programs sa mga paaralan.

Ayon pa sa DOST-1, pinag-aralan at nagmula sa research at laboratoryo ang teknolohiyang ginamit sa naturang produkto, na kalaunan ay naisalin sa aktuwal na produksyon sa tulong ng DOST at Nutridense Food Manufacturing Corporation.

Ang RIMO Curls ay kabilang sa mga DOST-FNRI technology na ginagamit bilang nutrition-focused food product at kabilang sa mga produktong ginagawa ng Nutridense.

Layunin ng naturang teknolohiya na makapaghatid ng mga pagkaing may dagdag na nutritional value, partikular para sa mga batang nangangailangan ng karagdagang nutrisyon.| 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments