Saturday, September 19, 2026

BUTAS-BUTAS NA DAAN SA DIKE NG QUIBAOL, LINGAYEN, INASPALTO

Inaspalto na ang dating butas-butas at baku-bakong daan sa bahagi ng dike sa Barangay Quibaol, Lingayen, Pangasinan.

Matagal na umanong problema ng mga residente ang kondisyon ng naturang ruta na madalas ding dinaraanan ng mga malalaking truck.

Ayon kay Jonas Coquia, residente sa lugar, isa sa mga naging problema nila ang patuloy na pagkalat ng alikabok na umaabot sa kanilang mga bahay.

Bukod sa alikabok, nagdudulot din umano ng panganib sa mga motorista ang malalalim na butas sa daan.

Matapos ang isinagawang pag-aspalto, mas maayos na ang kondisyon ng naturang bahagi ng ruta at mas maluwag na rin ang daloy ng trapiko.

Bagama’t hindi kabilang sa provincial roads ang nasabing ruta, isinagawa pa rin ng pamahalaang panlalawigan ang pagsasaayos nito para sa mga residente at motorista.

Ayon sa Provincial Engineering Office, nasa 900 metric tons ng aspalto ang inaasahang ilalaan sa kahabaan ng dike mula sa pondo ng pamahalaang panlalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments