
Hiniling ng mga kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc na maimbestigahan ng mga kaukulang komite sa Kamara ang umano’y red-tagging, online harassment, at disinformation activities ng Peanut Gallery Media Network (PGMN).
Nakasaad ito sa House Resolution 1009 na inihain nina Representatives Antonio Tinio, Sarah Elago at Renee Co kung saan tinukoy ang iba’t bang online episodes ng mga personalidad ng PGMN na nag-uugnay sa mga progresibong organisasyon at mga kongresista sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army.
Nais din ng Makabayan Bloc na matukoy sa ikakasang imbestigasyon kung nagagamit ang pampublikong pondo sa pagpapakalat ng mga red tagging content.
Ito ay dahil nire-repost at ipino-promote ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC ang mga posts at videos ng PGMN.
Ayon kay Rep. Elago, ang red-tagging ay nagiging “cheap” na paraan para makakuha ng clicks, clout, and engagement na naglalagay sa peligro ng kaligtasan ng publiko at mga demokratikong karapatan.










