CONSTRUCTION WORKER, BINARIL-PATAY NG SECURITY GUARD

Nasawi ang isang construction worker matapos barilin ng isang Security Guard sa Purok 5, Dubinan East, Santiago City noong Pasko, Disyembre 25, 2022.

Kinilala ang biktima na si Mark Anthony Teñoso Reyes, 29-taong gulang, walang asawa, at residente ng Purok 1, Rosario, Santiago city habang ang suspek naman ay kinilalang si alyas Carlo, 33-taong gulang, walang asawa, residente ng Annafunan West, Tuguegarao City, Cagayan na kasalukuyang nakatira sa Purok 1, Dubinan East, Santiago City.

Ayon sa PNP Santiago, nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa insidente ng pamamaril sa loob ng isang bar sa nasabing lungsod.

Agad naman nila itong nirespondehan at pagdating sa lugar ng insidente ay tumambad sa kanila ang duguan at wala nang buhay na biktima.

Nagtamo ng isang tama ng bala sa mukha ang biktima na tumagos pa likod ng ulo nito.

Batay sa imbestigasyon ng mga pulis, nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang dalawa sa isang bar na nauwi sa pamamaril.



Samantala, naaresto naman ang suspek matapos ang isinagawang hot pursuit operation ng mga kapulisan.

Nakuha rin sa pag-iingat nito ang isang caliber 9mm pistol na ginamit sa krimen.

Napag-alamang nasa impluwensya din ng nakalalasing na inumin ang suspek ng maganap insidente.

Mahaharap sa kasong Homicide ang suspek.

Facebook Comments