Thursday, April 30, 2026

Contractor na si Curlee Discaya, dinala na sa ospital ngayong umaga

Dinala na sa ospital si contractor Curlee Discaya, na sangkot sa iniimbestigahang maanomalyang flood control projects.

Ngayong umaga, inilabas si Discaya mula sa gusali ng Senado para sa nakatakda nitong operasyon sa kanang balikat.

Isinakay siya sa ambulansya ng Senado at ineskortan ng mga pulis. Hindi rin siya nakaposas habang inililipat.

Ayon kay Senate Secretary Mark Llandro Mendoza, pinayagan si Discaya na manatili sa ospital ng apat hanggang pitong araw matapos ang surgery bago ibalik sa Senado para sa recovery.

Mahigpit naman ang seguridad habang nasa ospital ang contractor. Bawal ang paggamit ng cellphone at tanging pamilya at mga abogado lamang ang papayagang bumisita.

Nauna nang sinabi ni Mendoza na sinuri ng in-house doctor ang kalagayan ni Discaya at nabigyan ito ng clearance para sa naturang medical procedure.

Facebook Comments