DAGDAG MOBILITY NA GUMAGAMIT NG RENEWABLE ENERGY SA PANGASINAN, TARGET SA PLANONG ELECTRIC VEHICLE BUS RAPID TRANSIT

Madadagdagan ang mobilidad o kakayahang bumyahe ng mga Pangasinense habang isinusulong ang paggamit ng malinis at renewable energy sa planong ilunsad na Electric Vehicle Bus Rapid Transit.

Ang naturang plano ay tinalakay ni Governor Ramon Guico III sa kanyang hybrid SOPA nitong Abril, tampok ang 12 metrong haba ng full electric bus, at may 80 seating at standing capacity, na tatakbo sa anim na ruta mula Lingayen hanggang Central Pangasinan.

Ayon naman kay Vice Governor Mark Lambino, nasa sampung unit ng electric bus ang target na paandarin sa lalawigan ngunit nasa anim na unit ang inisyal na patatakbuhin sa loob ng dalawa hanggang tatlong kwarter.

Sa ilalim nito, magsisilbing tagapagbukas lamang ng oportunidad ang Pamahalaang Panlalawigan para sa mga transport operator na kakayanin ang operasyon nito, katuwang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa implementasyon.

Nasa 60-100 slots din umano ang ibinigay ng LTFRB na planong konsumuhin ng lalawigan upang maigarahe na ang mga provincial vehicles na gumagamit ng diesel.

Kapag naisakatuparan, ang kabuuang operasyon mula sa ruta, taripa o pamasahe, at ibang requirement ay isusunod sa itinakdang regulasyon ng LTFRB. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments