Sa bawat habi ng bawat hibla, kalakip ang istorya ng nakaraan na siyang nagpapatatag ng kasalukuyan.
Ang simpleng kaalaman sa paghahabi na ibinahagi ng ina ni Shirley Lomongey na nagngangalang Lapey, ang siyang inspirasyon nito sa pagtatag ng kanilang kabuhayan na Lapey Loom Weaving sa Barangay Capas, Umingan, Pangasinan.
Sa binigay na pagkilala ng DTI Pangasinan, ang Lapey Loom Weaving ang isa sa mga patunay na marapat lamang na ipagpatuloy ang makulay na tradisyon ng paghahabi dito sa ating lalawigan.
Dahil ang bawat likha mula sa mga hiblang ito ay kalakip ang mayaman nating kultura na patuloy na nagbibigay kabuhayan sa komunidad.
Higit sa pagiging malikhain, ang mga handloom weaving creations na ito ay sumasalamin sa pagiging matiyaga ng dalawampu’t-walong weavers sa paglikha ng mga ito – isang talento na naipapasa sa bawat henerasyon.
Mula sa mga bags, kasuutan, kumot, at iba pa, kitang kita sa bawat detalye ng kada desenyo ang husay ng mga manghahabi ng Umingan sa paggawa ng de-kaledad na produkto.
Ang mga nasabing produkto ay maaring masilayan sa DTI Pangasinan Negosyo Center sa Umingan, Hangar Market, Baguio City, at sa Banaan Museum sa Lingayen.
Tunay ngang kapag may tiyaga, makalilikha ng mga produktong higit pa sa talento ang kailangan, kundi ang puso na ipagpatuloy ang tradisyon na ating kinalakhan upang patuloy na pagyamanin ang mga bagay na bahagi na ng ating makulay na kultura.








