DAGDAG-PASAHE, HIRIT NG MGA TSUPER SA PANGASINAN KASUNOD NG PANIBAGONG OIL PRICE HIKE

Muling humirit ng taas singil sa pamasahe ang ilang tsuper sa Pangasinan kasabay ng muli na namang pagtaas ng presyo ng krudo sa bansa nitong Mayo 5, na dagdag pasanin umano sa kanilang kabuhayan.

Batay sa datos ng Department of Energy, tumaas ng ₱2.21 ang gasolina habang ₱2.66 naman ang diesel sa oil price adjustments na epektibo mula Mayo 5 hanggang Mayo 11.

Dahil dito, aminado ang ilang tsuper ng bus na mas ramdam nila ngayon ang bigat ng gastusin sa araw-araw na pasada, lalo na sa mga panahong matumal ang biyahe tuwing walang pasok.

Para naman sa ilang jeepney at tricycle driver, patuloy ang kanilang pag-asang makaraos sa araw-araw na kita sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.

May ilan ding napipilitang bawasan ang biyahe upang maibsan ang gastos sa krudo.

Sa kabila nito, muling nanawagan ang ilang tsuper na pag-aralan ang posibleng dagdag-pasahe upang kahit papaano ay makasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon pa sa DOE, ang paggalaw ng presyo ng langis ay nakabatay sa pandaigdigang merkado, partikular sa mga kaganapan sa Middle East na may epekto sa global supply.

Tiniyak naman ng ahensya na patuloy ang kanilang monitoring at mga hakbang upang mapatatag ang suplay ng langis at mapangalagaan ang kapakanan ng publiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments