
Cauayan City – Inirereklamo ngayon ng ilang motorista ang magkakasunod na insidente ng pambabato sa mga sasakyan sa kahabaan ng kalsada sa Barangay Atulu, Iguig, na nagresulta sa pagkasira ng hindi bababa sa limang sasakyan.
Isa sa mga biktima ng pambabato na si Cjr Bilas ang nagbahagi ng kanyang karanasan sa pamamagitan ng isang post sa social media.
Kuwento nito, madaling araw noong Sabado, June 13, 2026, pauwi na sana sila sa Tuguegarao City galing sa isang lamay nang magulantang sila matapos na batuhin ng hindi pa nakikilalang salarin ang kanilang sasakayan.
Mabuti na lamang umano at naging alerto ito at nagawa niyang takpan ang kanyang mukha nang makita na paparating na bato. Sa kabutihang palad, hindi naman umano siya nasaktan sa nangyaring insidente dahil tumama ang bato sa windshield ng kanilang sasakyan.
Batay sa mga ulat, kabilang din sa mga nabiktima ang isang delivery truck, Toyota Hilux,van, at isang Florida Bus sa magkakahiwalay na insidente sa loob lamang ng halos 30 minuto.
Agad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang Iguig Municipal Police Station kasama ang mga opisyal ng Barangay Atulu. Bagama’t wala pang naarestong suspek, sinabi ng pulisya na mayroon na silang natukoy na mga personalidad na posibleng sangkot sa insidente.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa mga biktima upang makakalap ng karagdagang ebidensya habang pinaiigting ang imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang nasa likod ng mga insidente.










